--Ads--

Hindi na ito simpleng usapin ng mababang marka. Ang datos na inilabas ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ay malinaw na nagsisiwalat ng isang malalim at patuloy na krisis sa edukasyon ng bansa, isang krisis na lalong lumalala habang tumataas ang baitang ng mga mag-aaral.

Nakababahala na sa mismong Grade 3, pitong sa bawat sampung bata ang hirap pa rin sa mga pundamental na kasanayan tulad ng pagbasa, pag-unawa, at simpleng matematika. Kung sa panahong ito pa lamang ay kapos na ang kakayahan, hindi na kataka-takang patuloy itong bumabagsak sa Grade 6, at tuluyang halos maglaho sa high school. Ang bilang na apat sa bawat isang libong Grade 12 students lamang ang maituturing na “at least proficient” ay hindi na simpleng statistics, ito ay babalang sumisigaw.

Ang edukasyon ay parang bahay. Kung marupok ang pundasyon, tiyak na babagsak ang buong estruktura. Ito mismo ang kinikilala ng EDCOM 2: ang kabiguang matutunan ang “foundational competencies” sa mga unang taon ng pag-aaral ang ugat ng problemang hinaharap natin ngayon. Kapag ang isang bata ay hindi natutong bumasa nang wasto sa Grade 3, paano niya mauunawaan ang agham, matematika, o kasaysayan sa mga susunod na baitang?

Sa kabila nito, patuloy pa ring ipinapatupad ang 75% passing mark bilang batayan ng “proficiency,” kahit ipinapakita na ng mga pag-aaral na maaaring hindi ito angkop o realistiko sa kasalukuyang kalagayan ng mga mag-aaral. Ang tanong: Sinusukat ba nito ang tunay na pagkatuto, o pinipilit lamang ipinta ang ilusyon ng kahusayan?

--Ads--

Hindi sapat ang pagsusuri at datos kung hindi ito susundan ng matapang at sistematikong reporma. Kailangang ituon ng pamahalaan, lalo na ng Department of Education, ang buong lakas sa early-grade intervention, masinsing literacy programs, sapat na pagsasanay sa mga guro, at makabuluhang suporta sa mga mag-aaral na nahuhuli.

Ang kinabukasan ng bansa ay nasa loob ng silid-aralan. Kung patuloy nating hahayaan na lumaki ang learning gap, hindi lamang marka ang bumabagsak, pati ang kinabukasan ng susunod na henerasyon ng Pilipino. Ang tanong ngayon: kikilos ba tayo habang may panahon pa, o hahayaan nating manatiling tahimik ang krisis na ito hanggang sa tuluyan na itong sumabog?