Inihayag ng Rice Miller Association of Region 2 na patuloy na naaapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka bunsod ng mababang presyo ng palay at kawalan umano ng malinaw na direksyon ng pamahalaan hinggil sa presyo ng bigas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ernesto Subia, presidente ng Rice Miller’s Association Region 2, sinabi niyang kahit mura ang pagbebenta ng rice mill sa mga wholesaler, nananatiling mataas ang presyo ng bigas sa pamilihan.
“Ibinebenta na lang namin ng ₱30 kada kilo ang pinakamagandang bigas sa Maynila, pero sa merkado, wala kang makikitang ₱35 o ₱40, puro nasa mahigit ₱50 kada kilo,” ani Subia.
Binigyang-diin din niya na hindi sapat ang import ban na pansamantalang ipinatutupad. Aniya, mas makatutulong kung mananatiling buo ang 35% taripa sa buong taon upang mapatatag ang presyo at maprotektahan ang mga lokal na magsasaka.
“Kapag binawasan ang taripa, siguradong malulugi ang rice mill at magsasaka, ang mga retailers lang ang kumikita,” dagdag pa niya.
Giit niya, responsibilidad ng pamahalaan na sumalo at tumulong sa mga magsasaka lalo na ngayong mababa ang ani at bagsak ang presyo ng palay.
“Kung mananatili ang tamang taripa at ipapatupad sa buong taon, awtomatikong tataas ang presyo ng palay at makikinabang ang mga magsasaka,” ani Subia.
“Ngunit kung patuloy itong babawasan o sususpendihin, lalo lamang magiging magulo at kawawa ang ating magsasaka.”
Nanawagan si Subia sa mga kongresista na huwag payagan ang pagbawas ng taripa at magsalita para sa kapakanan ng mga magsasaka.










