
CAUAYAN CITY – Humingi ng paumahin at pang-unawa ng publiko si Mayor Bernard Dy sa mabagal na vaccination rollout dahil limitado pa ang dumarating na supply ng bakuna.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Dy na gustuhin man nilang mapabilis ang pagbabakuna sa lahat dahil mataas ang acceptance rate ngunit limitado pa rin ang bakuna.
Bukod dito ay sinusunod ng pamahalaang lunsod ang mga guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaya nasa top 10 ang Cauayan City sa mga vaccine implementors dahil sa pagsunod sa proseso.
Itinanggi niya ang paratang na may palakasan sa pagpapabakuna dahil may mga nakakasingit.
Ipinaliwanag ni Mayor Dy na kung hindi nakapunta ang naka-schedule na magpabakuna sa isang lugar ay puwedeng ibigay ang bakuna na nakalaan sa kanya sa walk-in o nagtiyaga na maghintay sa venue para mabakunahan.
Tiniyak ni Mayor Dy na ginagawa nila ang lahat tulad ng paghingi ng dagdag na supply ng bakuna para makamit ang herd immunity sa Lunsod ng Cauayan sa buwan ng Disyembre.




