--Ads--

Problema ngayon ng mga residente ng Brgy. Sta. Luciana Cauayan City ang masangsang na amoy at pagdami ng mga langaw na nanggagaling sa isang poultry farm.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isang residente na itinago sa pangalang Bong Marcos, sinabi niya na pahirapan na ang kanilang pagkain at pagtulog dahil sa masangsang na amoy at dami ng langaw na dulot ng poultry farm.

Aniya maging ang kalapit nilang barangay ay apektado na rin sa masangsang na amoy na galing sa farm.

Una na umano nilang inireklamo ito sa kanilang barangay ngunit walang naging aksyon bagamat nagkaroon ng kasunduan ang mga residente at may-ari na lagyan ng bakod ang farm at bibigyan ng screen ang mga residente bilang proteksyon sa langaw ngunit wala pa ring aksyon ang may-ari.

--Ads--

Mas lumala pa ang sitwasyon nang tamaan ng bird flu ang farm marami sa mga manok ang namatay.

Ayon sa isang trabahador ng farm, tatlong gusali ang apektado kung saan bawat isa ay may walong libong manok.

Naabutan naman ng Bombo News Team ang aktwal na pagbabaon ng mga saku-sakong namatay na manok habang may isa pa umanong gusali na hindi pa naaayos ang mga namatay na manok doon.

Panawagan ngayon ng mga residente na maaksyunan ito ng lokal na pamahalaan upang hindi na magdulot pa ng perwisyo sa mga residente lalo na sa usaping pangkalusugan.

Sinubukan namang kunin ng Bombo Radyo Cauayan ang panig ng may-ari ngunit ayon sa mga trabahador, umalis ang may-ari ng farm.

Tinungo rin ng Bombo News Team ang tanggapan ng barangay ngunit walang naabutang opisyal sa Brgy. Hall.

Bukas pa rin naman ang Bombo Radyo Cauayan sa panig ng may-ari at barangay ukol sa naturang isyu.