--Ads--

Pinaniniwalaang galing sa katubigan ng San Mariano, Isabela ang nahuling babaeng buwaya ng apat na mangingisda sa ilog na nasasakupan ng barangay Dicamay Uno.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Napoleon Matias, residente ng Dicamay Uno, Jones, Isabela na noong gabi ng Martes ay may apat na nangingisda ng kiwet sa ilog nang mapansin ng isa sa kanila na may dalawang Buwaya.

Mapalad na hindi nakagat ng buwaya ang isa sa mga nakakita dahil nasa mababaw lamang siya na bahagi ng ilog kaya natakbuhan nito ang buwaya.

Kinuryente aniya ang isang buwaya upang mahuli habang ang isa ay hindi nila nahuli.

--Ads--

Nasa pangangalaga pa rin ni Ginoong Matias ang naturang buwaya at nakatakdang ipasakamay sa mga otoridad.

Samantala, inihayag naman sa Bombo Radyo Cauayan ni Chief Operating Officer Marites Balbas ng Mabuwaya Foundation San Mariano, Isabela na magtutungo sila ngayong araw sa Jones, Isabela upang makita ang nahuling Phil. Crocodile.

Sinabi pa niya na hindi dapat hinuhuli ang buwaya dahil natural habitat nila ang ilog ngunit naiintindihan naman nila ang takot ng mga tao.

Kailangan ding masuri  ang kalusugan ng Buwaya dahil ginamitan ng kuryente ng mga nakahuli.

Kukumbinsihin naman nila ang mga mamamayan sa Jones, Isabela na ibalik sa ilog ang nahuling Phil. Crocodile.

Dapat anyang pangalagaan ang Phil. Crocodile dahil nanganganib na itong mawala sa bansa.

Mapalad anya ang Isabela dahil mayroong habitat ng Phil. Crocodile.

Ngayon ang breeding season ng mga buwaya at maaring gumagawa ng NEST ang dalawang buwaya na nakita sa naturang bayan.

Magbibigay din sila ng tamang impormasyon sa mga taga Jones, Isabela upang maliwanagan na ang Phil. Crocodile na matatagpuan sa mga ilog at sapa ay hindi kumakain ng tao at hindi mapanganib basta hindi istorbohin sa kanilang tirahan.