--Ads--

Ipinagmalaki ng lalawigan ng Isabela ang tagumpay ng isang Math Olympiad matapos niyang masungkit ang gold medal sa world championship ng World International Math Olympiad (WIMO) Final Round 2025 sa kategoryang Secondary 3.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay David Padua III, Gold Medalist sa katatapos na World International Math Olympiad, sinabi niya na nagsimula siyang maghanda noong kalagitnaan ng 2025 sa pamamagitan ng sariling pagsasanay at review, at hindi niya inasahan ang pagkakapanalo.

Siya ay mag-aaral ng St. Dominic Human Development Center Incorporated sa Echague, Isabela at nag-iisang nagkampeon sa Secondary 3 finals na dinaluhan ng 15 kalahok mula sa iba’t ibang bansa, mula sa mahigit 200 competitors sa kabuuan.

Bago ang WIMO, nakapag-uwi na si David ng dalawang gold medals mula sa mga international math competitions sa Thailand, Hong Kong, at Big Bay Bei, na nagsilbing qualifier para sa final round. Ang WIMO gold medal ang kanyang ikatlong international gold, at ang pinaka mataas na antas ng patimpalak.

--Ads--

Saklaw ng kompetisyon ang logical thinking, algebra, arithmetic, number theory, geometry, at combinatorics. Buong suporta naman ang ibinibigay ng kanyang paaralan, kung saan siya ay iskolar at tumatanggap ng financial incentives.

Samantala, ayon sa kanyang ina na si Ginang Jona Padua, mahalaga ang patuloy na suporta ng mga magulang upang mahubog ang kakayahan at potensiyal ng mga kabataan.