CAUAYAN CITY Labis ang pasasalamat sa Panginoon ng isang binatang fashion designer na tubong San Mateo, Isabela matapos na nanalo ng best costume award ang kanyang gawa at disenyong state costume ng kinatawan ng Utah sa Miss Teen USA 2021.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Kennedy Jhon Gasper, 4th year student ng Bachelor of Science in Fashion and Textile Technology sa Central Luzon State University, sinabi niya na hindi niya inaasahang na makukuha ng kanyang disenyo na hinango sa bubuyog at sego lily ang Best Costume award sa katatapos na Miss Teen USA 2021 .
Aniya inspirasyon niya sa paggawa ng state costume ni Miss Utah ang iba’t ibang national symbols ng Utah kabilang ang kanilang bee hive industry at ang kanilang pambansang bulaklak na sego lily na sumisimbolo sa kapayapaan at kalayaan.
Ayon pa kay Gasper, ang kanyang piniling kulay ay naaangkop sa skin complexion ni Miss Utah na kayumanggi dahil siya ay isang Filipino-American.
Sinabi niya na bagamat nakakapagod at matinding pressure ang kinakaharap ng kanyang creative team sa paggawa ng mga costume na irarampa sa International stage ay masaya sila sa kanilang ginagawa dahil naibabahagi nila ang kanilang talento sa pamamagitan ng paggawa ng costumes ng mga international clients.
Idinagdag pa niya na bagamat maraming mga costume ang malalaki,at makukulay ay nangingibabaw ang kanyang disenyo dahil bukod tangi ito at walang kaparehas maliban pa sa mga inilagay nilang detalye sa costume na sumisimbolo sa iba’t ibang national symbol sa estado ng Utah.
Pangunahin sa kanyang motibasyon sa paggawa ng mga International costumes ay ang kaniyang pangarap na maging matagumpay na fashion designer, iangat ang antas ng kanilang pamumuhay at matupad ang hangarin niya sa buhay.
Sa kabila ng tagumpay ay nagpapasalamat rin si Gasper sa kanyang mga Instructor na nagibigay ng konsiderasyon sa kanyang pagtratrabaho habang nag-aaral.