--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang motorcycle rider matapos na sumalpok sa kasalubong na tricycle sa Bypass Road, Barangay Bonfal Proper, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt Junia Bogbog, ang tagapagsalita ng Bayombong Police Station, sinabi niya na ang nasawi ay si DJ Hulinga, nasa wastong gulang, estudyante, at residente ng Barangay Roxas, Solano, Bayombong, Nueva Vizcaya habang ang tsuper naman ng nakabanggaan nitong tricycle ay si Mc Bryan Alvarez na residente ng Barangay Magsaysay, Nueva Vizcaya.

Aniya, batay sa kanilang pagsisiyasat natuklasan na kapwa binabagtas ng mga sangkot ang kalsada mula sa magkasalungat na direksyon nang biglang umagaw ng linya ang motorsiklo na minamaneho ni Hulinga kung kayat nagbanggaan ang mga sangkot.

Dahil sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng malalang sugat ang Hulinga na nagsanhi ng kanyang pagkakasawi habang nagtamo naman ng sugat ang tatlo sa apat na sakay ng tricycle kabilang ang driver at isang pitong taong gulang na bata.

--Ads--

Agad silang dinala sa Region 2 Trauma and Medical Center para malapatan ng lunas.