--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinakansela ng Cauayan North Central School ang pasok ng mga mag-aaral ngayong hapon upang magsagawa ng fumigation kontra lamok.

Ito ay kasunod ng pagkamatay ng isang Grade-6 pupil na si Precious Yuchin Bueno, 12 anyos at residente ng barangay Tagaran, Cauayan City dahil sa suspected dengue fever.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Susan Cristobal, Principal ng Cauayan North Central School na inaalam na nila kung talagang dengue fever ang ikinamatay ng bata.

ito anya ang sinabi ng lola ng biktima na dahilan ng kamatayan mag-aaral na pumasok pa noong nakaraang Biyernes ( Feb. 1, 2019) subalit namatay noong Martes ( Feb. 5, 2019).

--Ads--

Anya, bagamat may mahigit 30 hinihinalang may dengue fever na mga mag-aaral simula pasukan noong Hulyo, 2018 ang naitala ng nasabing paaralan ay bihira lang umano sa kanila ang nakumpirmang dengue ang kanilang sakit.

Ayon kay Principal Cristobal lagi silang nagpapalinis sa kanilang paaralan upang maiwasan ang nasabing sakit.

Anya matapos silang makipag-ugnayan sa City Health Office ay sinabihan silang kanselahin ang klase ng mga mag-aaral ngayong hapon upang bigyang daan ang pagsasagawa ng fumigation upang mapuksa ang mga lamok na nagdudulot ng sakit na dengue sa nasabing paaralan.