Halo-halong emosyon ang naramdaman ng mag-amang mula sa lalawigan ng Isabela matapos silang kapwa pumasa sa 2025 Bar Examinations sa inilabas na resulta kahapon, Enero 7.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ferdinand Narciso, 2025 Bar Passer at Sports Director ng Deped Region 2, sinabi nitong limang beses na itong nag-take ng Bar Exam.
Aniya, personal niyang hinarap ang mga hamon at pagsubok hanggang sa tuluyang makamit ang tagumpay sa kanyang ikalimang pagtatangka.
Ikinuwento ni Atty. Narciso na habang tinitingnan nila ang listahan ng mga pumasa, tatlong indibidwal lamang ang may apelyidong “Narciso,” kabilang ang kanyang anak na si Mary Joyce Narciso, first-time taker at nagtapos ng pag-aaral sa University of the Philippines Diliman. Ang isa pang Narciso sa listahan ay pinaniniwalaang kamag-anak lamang nila.
Aniya, nang papalapit na sa letrang “N” ang listahan, pansamantalang nagkaaberya ang kanilang internet connection. Gayunman, laking gulat at tuwa nila nang makumpirmang kapwa sila pumasa sa nasabing pagsusulit.
Ayon kay Atty. Narciso, ang kanyang mga pinagdaanang pang-aapi at pangungutya sa buhay ang nagsilbing inspirasyon upang ipagpatuloy ang kanyang pangarap na maging abogado at maging boses ng mga nangangailangan at takot magsalita.
Dagdag pa niya, ang kanyang anak ang isa sa pinakamalaking inspirasyon na nagtulak sa kanya upang muling mag-review at mag-take ng Bar Exam.
Hindi rin naging madali ang kanyang paglalakbay patungo sa tagumpay dahil sa kakulangan sa pinansyal, mataas na gastos sa aplikasyon, mga babasahin, at matinding mental pressure habang naghahanda para sa pagsusulit.
Sa kabila nito, sinabi ni Atty. Narciso na patuloy niyang minanifest ang kanyang pagpasa at nanatili siyang kumpiyansa habang isinasagawa ang Bar Examinations.
Sa ngayon, binabalak ng mag-ama na magtayo ng isang law office na magsisilbi sa publiko.
Iniaalay ni Atty. Narciso ang kanyang tagumpay sa kanyang mga katrabahong nangangailangan ng boses at hustisya, sa kanyang pamilya na walang sawang sumuporta sa kanya sa aspetong pinansyal at emosyonal, at higit sa lahat, sa Panginoon dahil hindi lamang siya ang nagtagumpay kundi maging ang kanyang anak.











