CAUAYAN CITY- Patay ang mag-ama matapos na malunod sa Pinacanauan River, sa Angancasilian, Cabagan, Isabela.
Ang mga biktima ay sina Loreto Salas Jr, 48 anyos, may asawa, tricycle driver at kanyang anak na si Mia Marloreth Salas,13 anyos, kapwa residente ng Centro, Sto Tomas, Isabela.
Ang mag-ama kasama ang kanyang ilang kamag-anak ay nagtungo sa nasabing ilog upang magpicnic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Sgt. Noel Limtuaco, imbestigador ng Cabagan Police Station na nagdive ang anak sa malalim na bahagi ng ilog sanhi para malunod.
Sinubukan ni Salas na iligtas ang kanyang anak ngunit dahil sa malalim na tubig at hindi marunong lumangoy ay tuluyan din siyang nalunod.
Hinanap ng mga kamag-anak at mga tumulong na mga mangingisda at pulis ang mag-ama at nang matagpuan ay kaagad dinala sa ospital ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.