Natukoy ng mga awtoridad na mag-ama ang mga suspek sa pamamaril sa Bondi Beach sa Australia nitong Linggo na kumitil ng 16 na katao habang 40 iba pang indibidwal ang nasugatan.
Ayon sa local police, napatay matapos mabaril ng pulis sa mismong crime scene ang 50-anyos na suspek na isang ama habang ang kaniyang anak na 24-anyos ay nagpapagaling sa ngayon sa pagamutan.
Ang 50 anyos na suspek ay napag-alamang isang licensed firearms holder at mayroong anim na baril na nakarehistro sa kaniyang pangalan, na natagpuan sa may Bondi Beach.
Natagpuan din sa mismong pinangyarihan ng krimen ang dalawang active improvised devices subalit kalaunan ay idineklarang ligtas ang lugar matapos tanggalin ang mga pampasabog sa lugar.
Matapos ang insidente, ipinakalat ang 328 police officers para magbigay ng karagdagang seguridad at suporta para sa Jewish community sa Sydney.
Sa nangyari kasing pamamaril, pinunterya ng mga suspek ang Jewish community na nagdiriwang ng pagsisimula ng taunang Hanukkah, ang walong araw na Jewish Festival of Lights.







