--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagtamo ng malubhang sugat sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan ang mag-asawa makaraang bumangga ang kanilang sinasakyang tricycle ng ambulansya ng Local Government Unit ng Angadanan, Isabela sa may kahabaan ng lansangang nasasakupan Barangay District One, Cauayan City.

Ang mga nagtamo ng sugat sa katawan ay sina David Monforte 40 anyos, at si Leila Monforte,37 anyos na kapwa residente ng Lalug, Luna, Isabela.

Ang ambulansya ay minamaneho ni Melchor Carabaccan, 37 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Fugaru Angandanan, Isabela.

Sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station, ang ambulansya na minamaneho ni Carabaccan ay patungo sa timog na direksyon habang ang tricycle naman ay patungo sa hilagang direksyon nang mangyari ang banggaan.

--Ads--

Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya na inunahan ang tricycle na minamaneho ni Monforte ang sinusundan nitong SUV ngunit aksidenteng nabangga na dahilan para umagaw ng linya at sumalpok sa kasalubong na ambulansya na nagresulta upang magtamo ng malubhang sugat sa kanilang ibat ibang bahagi ng katawan ang mag-asawa.

Hindi naman nasaktan ang tsuper ng ambulansya maliban nalang sa natamong pinsala sa driver’s side dahil doon bumangga ang tricycle.

Patuloy na inaalam kung sino ang nagmamaneho ng SUV na sangkot din sa nasabing aksidente.