CAUAYAN CITY – Nagtamo ng maraming saksak sa kanilang katawan ang mag-asawang magsasaka na natagpuang patay sa bukid sa Buenavista, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Nakilala ang mag-asawang biktima na sina Carlos Palonya Bala-wa, 53-anyos, at Julie Daligue Bala-wa, 52-anyos, parehong magsasaka at residente ng naturang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Manny Pawid tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) sinabi niya na nagpapatuloy ang malalimang pagsisiyasat sa karumal-dumal na pagpatay sa mag-asawa.
May tinitingnan na ring person of interest sa krimen pero pinili nilang hindi ito isapubliko dahil maaaring makompromiso ang kanilang imbestigasyon.
Batay sa ilang inisyal na impormasyon nagtungo ang mag-asawa sa kanilang bukid na tatlong oras ang biyahe mula sa kanilang bahay para umano ayusin ang nasirang hose na pinagkukunan ng tubig ng Forest Area ng Barangay Buenavista.
Nagdesisyon umano ang manugang ng mga biktima na sundan sila dahil isang oras na silang hindi nakakauwi ngunit nang makarating sa lugar ay natagpuan ang katawan ng mga biktima na tadtad ng saksak sa katawan.
Tinig ni PCapt. Manny Pawid.