Naaresto ng Alicia Police Station katuwang ang Isabela Highway Patrol Group (HPG) ang mag-asawang magsasaka mula Nueva Ecija matapos makumpiskahan ng mahigit ₱54,000 na halaga ng ilegal na sigarilyo kasunod ng isinagawang Anti-Carnapping at Anti-Criminality Checkpoint sa Barangay Victoria, Alicia, Isabela.
Ang mga suspek ay itinago sa alyas “Larry,” 58 taong gulang, at alyas “Luz,” 55 taong gulang, na parehong residente ng Talavera, Nueva Ecija.
Ayon sa PNP Alicia, nagsagawa sila ng checkpoint operations katuwang ang hanay ng HPG-Isabela at pinatigil ang isang sasakyan, partikular ang Toyota Wigo, dahil sa iligal nitong LED lights sa harapan. Nang beripikahin ng mga awtoridad, nalaman din na wala ring dalang lisensya ang driver.
Matapos nito, sinuri ng mga operatiba ang sasakyan, kabilang ang rear glass at likurang bahagi, at dito natagpuan ang iba’t ibang brand ng sigarilyo na walang kaukulang selyo na nakalantad sa likod ng upuan.
Nakumpiska ang 75 reams ng Marshall Red, 50 reams ng Nise, 23 reams ng Marshall Green, 50 reams ng Power Tobacco, 10 reams ng RGD Black, 6 reams ng Newton Tobacco, at 7 reams ng Modern Tobacco, kasama ang isang unit ng Toyota Wigo.
Sa kabuuan, umabot sa 221 reams ang nakumpiskang sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng ₱54,860.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Alicia Police Station ang mag-asawa habang tinutukoy ng mga awtoridad kung anong mga kaso ang isasampa laban sa kanila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Felix Mendoza, Chief of Police ng Alicia Police Station, isa ito sa kanilang mga accomplishment sa unang bahagi ng 2026 bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa smuggled cigarettes.











