--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang mag-asawang negosyante habang nasugatan ang isang bata matapos silang holdapin at pagbabarilin ng riding-in-tandem suspect dakong 9:20 kagabi habang binabagtas ng sinasakyan nilang multi-cab ang daan sa Sto. Domingo, Alicia, Isabela.

Napatay ang mag-asawang Arnold Salvatiera, 47 anyos at Rita, Salvatiera, 44 anyos residente ng Gaddanan, San Mateo, Isabela.

Tinamaan ng bala ang paa ng 8 anyos na si Roland Jay Salvatierra na nasa likod ng multi-cab kasama ang hindi nasugatan na sina Arlene Salvatiera, 17 anyos at Mariano Padre, 24 anyos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Arlene Salvatierra habang sila ay nasa Integrated Hospital sa San Mateo, Isabela, sinabi niya na pauwi na sila kagabi mula sa pagdedeliver ng mga itlog at balot nang sila ay holdapin.

--Ads--

Dahil maalikabok ay itinigil ng kanyang ama sa gilid ng daan ang sasakyan para paunahin ang isang motorsiklo.

Gayunman, tumigil ang motorsiklo at agad pinaputukan ang kanyang mga magulang na nasa harapan ng sasakyan.

Hindi sila nagdeklara ng hold up ang mga suspek kundi agad silang nagpaputok at kinuha ang bag ng kanyang ina na naglalaman ng P150,000.

Sinabi ni Arlene Salvatierra na gusto rin silang patayin umano ng mga holdaper ngunit lumuhod at nagmakaawa sila na huwag patayin.

Sa pagtugon ng Alicia Police Station at San Mateo Police Station ay natagpuan sa pinangyarihan ng krimen ang 8 basyo ng bala ng Calibre 45 na baril.