--Ads--

CAUAYAN CITY- Patay ang mag-asawang senior citizen matapos silang pagtatagain ng binatang kapitbahay sa Sitio Magtanga, Brgy. Wagod, Pinukpuk, Kalinga.

Ang nasawi ay sina Ruben Dangiwan, animnapu’t limang taong gulang, magsasaka at ang kanyang asawa na si Apolonia Dangiwan, animnapu’t tatlong taong gulang, magsasaka at parehong residente ng nabanggit na barangay.

Habang ang suspek naman ay isang bente quatro anyos na magsasaka na kapitbahay ng mga biktima.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ruff Manganip, ang tagapagsalita ng Kalinga Police Provincial Office kanyang sinabi na bago ang pangyayari ay nag-iinuman pa ang mga biktima kasama ang suspek at iba pa nilang kaibigan.

--Ads--

Aniya nang umalis na ang ibang bisita ng mag-asawa at ang suspek na lamang ang naiwan ay bigla umanong nagbitaw nang bastos na mga salita ang biktimang lalaki na hindi nagustuhan ng suspek.

Ayon sa opisyal, nagseselos umano ang biktimang lalaki sa suspek at pinagbibintangan itong may relasyon sa kanyang asawa.

Dito na umano kinuha ng suspek ang itak ng biktima at pinagtataga ang lalaki sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at isinunod nito ang babae na nagresulta nang kanilang agarang pagkamatay.

Nagawa pa umano ng suspek na iwan ang itak sa kamay ng biktimang lalaki bago siya umalis.

Pagkatapos ng pangyayari ay kaagad umuwi ang suspek kung saan napansin ng kanyang ama ang talsik ng mga dugo sa kanyang katawan.

Inabot naman ng ilang oras bago naipaalam ang pangyayari sa Pinukpuk Municipal Police Station at nang makarating ang mga ito sa lugar ay sinabi ng ama ng suspek na ang kanyang anak ang may kagagawan nang pananaga.

Naaresto naman kaagad ang suspek at inamin naman nito ang nagawang pananaga.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Pinukpuk Municipal Police Station ang lalaki kung saan inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya.