--Ads--

Timbog ang mag-live-in partner matapos makuhanan ng hinihinalang shabu sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga tauhan ng Mallig Municipal Police Station sa Purok Tagumpay A, Brgy. Maligaya, Mallig, Isabela nitong Pebrero 26.

Kinilala ang mga suspek na sina alias “Tor,” 48 anyos, at alias “Josie,” 49 anyos, kapwa residente ng Brgy. Barucboc, Quezon, Isabela.

Bandang 10:10 ng gabi nang isagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawa at pagkakumpiska ng iba’t ibang ebidensiya.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang P500 bill na ginamit bilang buy-bust money, dalawang P1,000 boodle money, apat na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 0.8 gramo at halagang P5,440, isang walang lamang sachet, isang asul at isang berdeng lighter, P613 cash, at isang itim na Euro Daan Hari 125 na motorsiklo.

--Ads--

Ayon sa pulisya, minarkahan, kinuhanan ng litrato at inimbentaryo ang mga nakumpiskang ebidensiya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng mga suspek at mga kinatawan alinsunod sa umiiral na pamamaraan.

Posibleng maharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, patuloy ang panawagan ng Philippine National Police sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon laban sa iligal na aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad.