--Ads--

Ayon sa University of Asia and the Pacific, inaasahang bahagyang mas mabuti ang naging takbo ng ekonomiya ng Pilipinas sa ikalawang quarter ng taon kumpara sa unang quarter, sa kabila ng pangamba sa mga taripa ng Amerika.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ang employment rate ng bansa sa 96.1% nitong Mayo mula sa 95.9% noong Abril at sa parehong buwan noong nakaraang taon. Katumbas ito ng humigit-kumulang 50.29 milyong Pilipino na may trabaho nitong Mayo.

Sa kabila ng mababang antas ng inflation, bahagyang lumiit ang tiwala ng mga mamimili sa ekonomiya. Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), bumaba ang consumer confidence index sa -14% mula -13% noong unang quarter.

Tumaas ng bahagya ang inflation sa 1.4% nitong Hunyo mula sa 1.3% noong Mayo, mas mababa kaysa sa 3.7% noong Hunyo ng nakaraang taon. Ang average inflation sa unang kalahati ng taon ay nasa 1.8%, mas mababa sa target ng pamahalaan na 2% hanggang 4%.

--Ads--

Kaugnay nito, sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na inaasahan niyang mas magiging maganda ang ikalawang quarter ng ekonomiya kumpara sa nauna, bagaman binaba ng pamahalaan ang target growth para sa 2025 sa 5.5% hanggang 6.5%.

Inaasahang ilalabas ang opisyal na datos ng ikalawang quarter ng ekonomiya sa Agosto 7.