--Ads--

CAUAYAN CITY- Magbubukas ng panibagong isang metro ang dam mula sa radial gate na kanilang binuksan kahapon kung saan aabot sa 350 cubic meters per second ang ipapalabas na tubig mamayang alas- diyes ng umaga ngayong araw.

Ito ay dahil sa tumaas ng mahigit 1.8 meters above sea level ang elebasyon ng tubig sa buong magdamag sa kabila pagpapakawala nila ng tubig kahapon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, sinabi niya na bagama’t wala pa naman sa critikal level ang dam ay kinakailangan nilang magdagdag ng isang metro sa ipapalabas na tubig para hindi mapuno ang dam reservoir.

Nilinaw naman niya na maliit lang naman ang epekto ng ipapakawala nilang tubig sa elebasyon ng Magat River at tinatayang nasa 10-15 cm lamang ang pagtaas.

Dahil sa matataas ang mga naitalang pag-ulan sa bahagi ng Sierra Madre Water Shed paritkular sa bahagi ng Nagtipunan at Maddela, Quirino ay asahan naman ang pagtaas at pag-apaw ng tubig sa Cagayan River.

Kung magtutuloy-tuloy ang pag-ulan sa mga susunod na araw ay inaasahang magpapatuloy ang pagpapakawala nila ng tubig para maabot ang target nilang lebel na 185 meters above sea level.