CAUAYAN CITY – Nagpakawala ng tubig ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) sa Magat dam kaninang alas una ng hapon bilang paghahanda sa bagyong Kristine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi niya na isang spillway gate ang kanilang binuksan na may isang metro ang opening.
Sa ngayon ay nasa 182.99 meters above sea level ang water elevation sa magat dam at safe naman umano ito sa mga pag-ulang dadalhin ng naturang bagyo.
Nasa 132.26 cubic meters per second kasi ang water inflow sa dam at inaasahan na malaki ang volume ng tubig na kayang iimbak ng Magat Reservoir dahil nasa 342cms ang outflow nito.
Tiniyak naman niya na mas lalo pang bababa ang antas ng tubig sa dam bago pa man maramdaman ang epekto ng bagyong Kristine sa Lalawigan.