CAUAYAN CITY – Patuloy na nagpapakawala ng tubig ang Magat Dam sa Ramon, Isabela bilang precautionary measure dahil sa malaking volume ng tubig na pumapasok bunsod ng mga pag-ulan sa mga watershed areas.
Hanggang kaninang 7:00 am ngayong August 8, 2022, ang water elevation ng Magat dam ay 188.18 meters.
Ang inflow ay 433.74 cubic meters per second (cms) habang ang outflow ay 516.94 cms at isa ang nakabukas na spillway gate na may taas na 1 meter at ang discharge ay 173cms.
Sinimulan ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ang pagpapalabas ng tubig dakong alas 2:00 kahapon, Agosto 7, 2022.
Ayon sa NIA-MARIIS, upang mapanatili ang safe water level ng reservoir ay nagkaroon sila ng koordinasyon sa PAGASA, Local Goernment Unit (LGUs) sa lugar at Local Disaster Risk Reduction and Management Offices para sa pagpapakawala ng tubig.
Sa layuning mapanatili ang ligtas na level ng tubig sa Magat dam, ang pinapakawalang tubig ay maaaring madagdagan depende sa lakas ng ulan sa mga watershed areas sa Ifugao, Nueva Vizcaya at Quirino dulot ng Southwest Monsoon.
Hiniling ng NIA-MARIIS sa publiko na iwasan muna ang pagtawid, pamamalagi at pagpastol ng mga alagang hayop malapit sa ilog para maiwasan ang anumang kapahamakan dulot ng pagtaas ng level ng tubig.