CAUAYAN CITY- Nagpalabas na ng abiso ang pamunuan ng Dam and Reservoir Division sa posibleng pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam bukas ng hapon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng National Irrigation Administration- Magat River Integrated Irrigation System aniya na batay sa abiso, magbubukas ng isang gate ang Magat Dam bukas, September 04, 2024 alas 2:00 ng hapon.
Bunsod ito ng naranasang pag-ulan dulot ng bagyong Enteng at inaasahang magpapakawala ng tinatayang 100 cubic meters per seconds ng tubig na posibleng madagdagan depende sa lakas ng ulan sa Magat Watershed.
Ayon kay Engr. Ablan na “very minimal” lamang ang posibleng ipapakawalang tubig at halos walang epekto sa mga katubigan.
Aniya na ang gagawing pagpapakawala ng tubig ay upang hindi biglaan ang pagpapalabas ng tubig sa dam.
Gayunman ay pinapayuhan parin ng ahensiya ang mga residente sa kanilang nasasakupan ng ibayong pag-iingat at ang mga alagang hayop ay mabuting dalhin sa mataas at ligtas na lugar.