CAUAYAN CITY – Nasa normal pa rin ang lebel ng tubig sa magat dam sa kabila ng mga nararanasang pag-ulan dahil sa bagyong Enteng.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA MARIIS, sinabi niya na as of 11am ay nasa 184.27 meters above sea level ang water elevation sa dam.
Malayo pa aniya ito sa Normal High Level na 190 meters above sea level.
Gayunpaman ay hindi nila tinatanggal ang posibilidad ng pagpapakawala ng tubig sa dam lalo na kung tataas ang lebel ng tubig sa Magat Reservoir.
Dadagdagan naman nila ang kanilang mga personnel na magbabantay sa lebel ng tubig pangunahin na sa flood forecasting at early warning.
Nakahanda na aniya ang mga logistics at mga sasakyan na kakailanganin kung sakali mang magkaroon ng aberya sa kanilang mga warning stations.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko pangunahin na ang mga residente na malapit sa ilog na mag-ingat upang makaiwas sa anumang mga hindi kanais-nais na insidente.