Arestado ang isang newly identified High-Value Individual at kasamahan nito sa pagbebenta ng droga sa isinagawang operasyon ng PNP sa Brgy. Sotero Nuesa, Roxas, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pcapt. Leonard Mamerga, Deputy Chief of Police ng Roxas Police Station sinabi niya na dinakip ang dalawang suspek na sina alyas “Jimmy” na isang newly identified High-Value Individual at si alyas “Domingo” sa kanilang anti-illegal drug buy-bust operation katuwang ang RMU2, PDEA2, at PIU-IPPO.
Batay sa ulat ng nasabing himpilan, nahuli ang nasabing mga suspek matapos silang makipagkita sa nagpanggap na buyer sa pinagkasunduan lugar.
Nabili mula sa mga suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu dahilan para sila ay arestuhin.
Nasamsam din sa pag-iingat ni Alyas “Jimmy” ang walong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, dalawang pakete ng shabu na nakabalot sa brown plastic tape at papel; isang cellphone; dalawang wallet; sigarilyo, isang bag; isang weighing scale; isang lighter; mga barya; pitong walang laman na plastic; iba’t ibang card at maging ang motorsiklo na ginamit nila sa transaksyon.
Ayon kay Pcapt. Leonard Mamerga umabot sa P103,000 ang tinatayang halaga ng 16 grams ng shabu na nakumpiska sa mga suspek.
Matapos ang imbentaryo, ang dalawang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Roxas PNP para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.
Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy din ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang iba pang posibleng kasabwat ng mga suspek at ang lawak ng kanilang operasyon sa iligal na droga sa lalawigan.