--Ads--

CAUAYAN CITY – Arestado sa magkahiwalay na operasyon ng mga kasapi ng Santiago City Police Office (SCPO) ang dalawang lalaking magkaibigan dahil sa pagtutulak ng iligal na droga.

Unang nadakip sa Purok 6, barangay Mabini si Paulo Jose, 35-anyos, may asawa, tricycle driver at residente ng Batal, Santiago City.

Sa pagtutulungan ng City Drug Enforcement Unit/City Intelligence Unit ng SCPO, Station Drug Enforcement Unit ng Presinto Uno at PDEA Region 2 ay ikinasa ang isang operasyon laban sa pinaghihinalaan.

Ibinenta niya ang isang sachet ng hinihinalang iligal na droga sa isang pulis na nagsilbing buyer katumbas ng P5,000.

--Ads--

Hindi naman itinanggi ni Jose ang pagkakasangkot sa iligal na gawain at inaming gumagamit din siya ng ipinagbabawal na gamot. 

Siya ay naitala bilang first time offender at kabilang sa Street Level Individual List.

Sunod namang nadakip sa Purok 6, San Andres, Santiago City ang kaibigan umano nito na si Godwin Angoluan, 30-anyos, magsasaka at residente ng Rizal, Santiago City.

Sa hiwalay na operasyong inilatag ng City Drug Enforcement Unit/City Intelligence Unit ng SCPO, Station Drug Enforcement Unit ng Presinto Dos at ng PDEA Region 2 ay nadakip si Angoluan matapos na makipagtransaksyon sa isang pulis na nagpanggap na buyer bitbit ang isang sachet ng hinihinalang shabu katumbas ng P5,000.

Kabilang din sa Street Level Individual List ang pinaghihinalaan na nasa pangangalaga na ng SCPO Station 2.

Tulad ni Jose ay hindi rin niya itinanggi ang paggamit ng Shabu subalit itinanggi niya na galing sa kanya ang iligal na droga sa naturang transaksyon.

Kapwa mahaharap sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga pinaghihinalaan.