--Ads--

‎Dalawang magkapatid na operator ng heavy equipment ang nasugatan matapos makuryente sa isang aksidente habang nagbababa ng semento sa Barangay Nappaccu Grande, Reina Mercedes, pasado alas-2:00 ng hapon nitong ikalawa ng Enero

‎Knilalang sina Jerald Pablo, 35 taong gulang, residente ng Guayabal, Cauayan City, at Garry Pablo, 37 taong gulang, residente ng Laoag City, Ilocos Norte.

‎Pareho silang driver at operator ng isang Isuzu Elf truck na may boom crane.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay PCPT. Jeremias Veniegas, Deputy Chief of Police ng Reina Mercedes, inoo-operate umano ni Jerald ang boom ng truck upang ilipat ang kargang semento nang aksidenteng masagi nito ang isang live na kable ng kuryente.

‎Dahil dito, parehong nakuryente ang magkapatid, kabilang si Garry na nasa tabi ng truck sa oras ng insidente.

‎Nagkaroon ng mga pinsala at pagkalapnos (burn injuries) sa kanilang katawan ang dalawang biktima.

‎Agad silang isinugod sa isang pribadong ospital sa Cauayan City sa tulong ng MDRRMO, Rescue Team, Bureau of Fire Protection (BFP), at PNP Reina Mercedes.

‎Ayon sa pinakahuling update, nasa maayos at stable na kondisyon ang magkapatid at isasailalim sa minor medical procedures kaugnay sa kanilang mga pinsala.

‎Pansamantalang itinigil ang operasyon at inilipat na lamang ang kargang semento sa ibang truck sa tulong ng mga awtoridad upang maiwasan ang karagdagang aksidente.