CAUAYAN CITY – Pinaghahanap ang magkapatid na ibinuking ng kanilang naarestong kapatid na nagtatanim ng mga Marijuana sa bundok na bahagi ng Kirang, Aritao, Nueva Vizcaya.
Hindi muna binanggit ang pangalan ng magkapatid para hindi maapektuhan ang pagtugis sa kanila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCapt Florentino Mawirat Jr., hepe ng Aritao Police Station na nadiskubre ang mga tanim na Marijuana ng magkapatid matapos na maaresto dahil sa kasong carnapping at makumpiskahan ng Marijuana ang isa nilang kapatid.
Sa isinagawang interogasyon ng mga kasapi ng Solano Police Station ang naaresto si Luy, di tunay na pangalan ay nadulas ang kanyang dila at sinabing may mga tanim na Marijuana ang kanyang dalawang kapatid sa bundok na sakop ng barangay Kirang malapit sa kanilang kubo.
Nahirapang hanapin ng mga otoridad ang lugar kaya nakipag-ugnayan sila sa kapatid na babae ng mga suspek at itinuro ang mga pananim ng kanyang mga kapatid na lalaki.
Nakita sa lugar ang tatlong nakatanim na Marijuana na binunot ng mga pulis na sinaksihan ng mga opisyal ng barangay Kirang.

Sinabi pa ng kapatid ng mga suspek na mayroon siyang alam na tanim na Marijuana ng mga kapatid na kasing tangkad ng tao ngunit hindi nila nakita at maaaring naaani na nila ito.
Tinutugis na ng mga otoridad ang magkapatid na edad 23 anyos at 15 anyos na nagtanim ng mga Marijuana.
Ang mga binunot na tatlong tanim na Marijuana ay dinala sa PNP Crime Laboratory Office sa Solano, Nueva Vizcaya.






