CAUAYAN CITY – Sa loob ng bilanguan magdiriwang ng araw ng mga puso ang magkasintahang kabilang sa drug watchlist ng pulisya matapos mahulihan ng humigit kumulang isang kilo ng mga pinatuyong dahon ng Marijuana sa Salvacion, Bayombong.
Ang mga pinaghihinalaan ay sina Francisco Feliciano, 25-anyos, tricycle driver, residente ng Zulueta Extension, Purok 3, Salvacion, Bayombong, Nueva Vizcaya at Christine Cassandra Dychitan, 22-anyos na residente naman ng Don Tomas, Maddela, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. George Maribbay, hepe ng Bayombong Police Station, sinabi niya na dinakip ang mga pinaghihinalaan matapos na maaktuhang nagtututlak ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isang PDEA agent na umaktong poseur buyer.
Nakuha sa pag-iingat ng mga pinaghihinalaan ang 19 piraso ng hinihinalang pinatuyong dahon ng Marijuana, 1 zipped lock plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana, 1 bote ng pinatuyong dahon ng Marijuana, P300, dalawang cell phone, 1 back pack at 1 timbangan.
Ang mga nakuhang marijuana ay galing umano sa Tabuk at Tinglayan, Kalingga.
Ang mga pinaghihinalaan at mga ebidensiya ay agad na dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Napag-alaman naman na dati nang naaresto si Dychitan matapos namang magpuslit ng marijuana sa loob ng piitan noong 2018.