CAUAYAN CITY – Posible umanong may kaugnayan sa naunang insidente ng pamamaril kamakailan ang naganap na shooting incident kagabi sa maglive-in partner sa naturang lunsod.
Ang mga biktima na nasa maayos ng kalagayan ay sina Efren Lagunero, 38 anyos, isang tsuper at kanyang kinakasama na si Maylene Madelar, 35 anyos na kapwa residente ng Mabini, Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Chief Insp. Rolando Gatan, station commander ng Presinto Uno ng Santiago City Police Office, ibinunyag ng biktimang si Lagunero na nakita umano niya ang pangyayari kaugnay sa pamamaril kamakailan ng tsuper ng SUV sa isang lalaki na nakagitgitan niya sa trapiko.
Ayon pa kay P/Chief Insp. Gatan, inamin Lagunero na nakita ang pangyayari subalit iginiit na hindi umano niya nakita ng malinaw ang suspek.
Lumalabas sa imbestigayson ng pulisya na ang dalawang biktima ay sakay ng tricycle at papauwi na sa kanilang bahay sa barangay Mabini nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek gamit ang cal. 45 na baril.
Mapalad naman na hindi nadamay at nasugatan ang kanilang anak na babae na nasa grade 7.
Mabilis na tumakas ang dalawang suspek na naka-helmet sakay ng motorsiklo.




