--Ads--

CAUAYAN CITY – Walang nasaktan at napinsala sa  magnitude 5.2 na lindol na naganap dakong 9:07 kagabi, November 2, 2022 sa Calayan Island, Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Joseph Lopis ng Calayan Island na nanonood siya ng telebisyon nang maramdaman ang medyo malakas na lindol.

Inamin ni Mayor Llopis na nabahala rin siya nang maramdaman ang lindol ngunit hindi   ito  nagtagal kumpara sa mas matagal na naramdaman nilang pagyanig  nang  maganap  noong nakaraang linggo ang magnitude  6.4 na lindol sa Abra.

Sinabi pa ni Mayor Llopis na wala  silang naramdamang afterschock  ng lindol.

--Ads--

Agad niyang tinawagan ang hepe ng pulisya ng Calayan Island Police Station na si PMaj Mario Maraggun maging ang isang staff ng Local Disaster Risk Reduction (LDRRMO) at isang barangay kapitan para mag-ikot sila at alamin ang kalagayan ng mga tao sa isla.

Ayon kay Mayor Llopis, nagpapasalamat sila na walang nasaktan at napinsala sa lindol.

Sa Isla ng Calayan ay 97% ng mga bahay ay hindi kongkreto  kundi gawa sa mga kahoy.

Ang munisipyo at ang kanilang health center lamang and dalawang palapag na gusali sa Isla.

Samantala, kinumpirma ni Mayor Lopis na malaki ang pinsala sa agrikultura ng magkakasunod na bagyong Maymay, Neneng at Paeng na tumama sa kanilang bayan.

Aabot sa 12 million pesos ang halaga ng pinsala sa tanim na palay, gulay at saging ng mga magsasaka.

Dahil sa malaking pinsala sa palay ay walang maibebenta na produkto ang mga magsasaka sa mainland Cagayan at umaasa sila na magtatagal ang kanilang supply hanggang sa unang bahagi ng ng susunod na taon.

Nagtamo rin ng pinsala ang seaport at  malaking tulay sa Calayan Island sa naganap na magkakasunod na bagyo.