--Ads--

Isang malakas na lindol ang yumanig sa hilagang bahagi ng Japan nitong Lunes ng gabi, kung saan nakapagtala ang Japan Meteorological Agency ng dalawang 40-sentimetrong tsunami waves habang iniulat ang ilang nasugatan.

Ayon sa United States Geological Survey (USGS), tumama ang magnitude 7.6 na lindol dakong 2:15 GMT o 10:15p.m. oras sa Maynila sa karagatang bahagi ng Misawa, sa Pacific coast ng Japan sa lalim na 53 kilometro.

Naglabas ng tsunami warning ang Japan Meteorological Agency, at naitala ang unang pag-alon sa isang port sa rehiyon ng Aomori kung saan matatagpuan ang Misawa, dakong 11:43 ng gabi.

Pagsapit ng 11:50 p.m., isa pang alon ang tumama sa bayan ng Urakawa sa rehiyon ng Hokkaido.

--Ads--

Ayon sa ahensiya, parehong 40 sentimetro ang taas ng mga alon.

Iniulat na isang hotel employee sa lungsod ng Hachinohe sa Aomori ang nagsabing may ilang nasugatan, base na rin sa live footage na nagpapakitang nagkalat ang durog na salamin sa mga kalsada.

Naramdaman din ang pagyanig sa lungsod ng Sapporo, kung saan nag-ingay ang mga smartphone alarms bilang babala sa mga residente.

Ayon sa isa pang ulat, naramdaman ang pag-uga na tumagal ng humigit-kumulang 30 segundo kung saan nahirapang tumayo ang ilan habang lumilindol.

Nauna nang nagbabala ang meteorological agency na posibleng umabot sa tatlong metro o 10 talampakan ang tsunami na tatama sa Pacific coast ng Japan.

Matatagpuan ang Japan sa ibabaw ng apat na pangunahing tectonic plates sa kanlurang bahagi ng Pacific “Ring of Fire,” dahilan para maging isa ito sa pinaka-aktibong bansang may seismic activity sa buong mundo.

Ang archipelago na may humigit-kumulang 125 milyong mamamayan ay nakararanas ng tinatayang 1,500 pagyanig taon-taon.