Isang lindol na may lakas na 8.7 magnitude ang yumanig sa karagatan malapit sa Kamchatka Peninsula ng Russia nitong Martes, na naging dahilan upang maglabas ng babala ng tsunami sa ilang bahagi ng Estados Unidos at Asia-Pacific region.
Ayon sa U.S. Geological Survey, ang lindol ay tumama sa may 85 milya (137 kilometro) mula sa silangang baybayin ng Kamchatka Peninsula at may lalim na halos 12 milya (19 kilometro).
Dahil dito, naglabas ng tsunami warning ang mga awtoridad para sa Aleutian Islands sa Alaska at Hawaii, habang nasa ilalim ng tsunami watch ang California, Oregon, Washington, at teritoryo ng U.S. na Guam. Patuloy pang sinusuri ang banta sa mga nasabing lugar.
Inaasahan na ang unang alon ng tsunami ay tatama sa Hawaii bandang 7:15 p.m. local time, ayon sa Oahu Emergency Management. Posibleng magdulot ito ng mapanirang alon sa buong isla.
Paalala ng National Weather Service (NWS), ang lahat ng bahagi ng isla ay nasa panganib dahil sa kakayahan ng tsunami waves na paikot na dumaloy.
Ayon sa babala ng NWS maaaring tumagal ng ilang oras ang panganib matapos dumating ang unang alon, at hindi palaging ang unang alon ang pinakamalaki.
Pinayuhan ang mga residente sa mga baybaying lugar na lumikas agad at lumayo sa tubig, lalo na sa mga dalampasigan at mga ilog.
Samantala, naglabas din ng tsunami advisory ang Japan para sa mga rehiyon mula Hokkaido hanggang Kyushu. Ayon sa Japan Meteorological Agency, inaasahang aabot ang tsunami na may taas na 1 metro (3 talampakan) sa Hokkaido bandang alas-10 ng umaga, oras sa Japan. Posibleng umabot din ang alon sa eastern Honshu at Kyushu sa bandang hapon.
Paalala ng mga awtoridad sa Japan at Guam, iwasan ang paglapit sa baybayin o pumunta sa mga lugar na malapit sa ilog upang obserbahan ang alon.
Ang Tsunami Warning ay nangangahulugan na may inaasahang mapanganib at malawakang pagbaha at malalakas na alon dulot ng tsunami. Samantalang ang Tsunami Watch ay may naganap na lindol sa malayong lugar at posibleng magdulot ng tsunami kaya patuloy pagsusuri sa banta nito.
Patuloy naman ang pagbabantay ng mga awtoridad habang hinihintay ang posibleng epekto ng tsunami sa mga apektadong lugar.











