CAUAYAN CITY – Arestado ang isang lalaki matapos masamsaman ng hindi lisensyadong baril sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Barangay Barucboc, Quezon, Isabela.
Ang pinaghihinalaan ay si Ernesto Jr., 28-anyos, magsasaka at residente ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Clarence Labasan, Chief of Police ng Quezon Police Station, sinabi niya na matapos maaprubahan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 23 Roxas, Isabela ang search warrant ay agad silang nagtungo sa bahay ng pinaghihinalaan.
Sa paghahalughog ng kapulisan sa bahay nito ay nakita sa kaniyang bahay ang isang unit ng caliber 38 revolver at 4 piraso ng bala.
Maayos naman umanong sumama ang pinaghihinalaan at inamin na sa kaniya ang baril na nakita sa kaniyang bahay.
Ayon kay Maj. Labasan, bago ang pagkakaaresto ay mayroong umanong concerned citizen ang nag-ulat sa kanilang himpilan na mayroong baril ang suspek na dala-dala umano nito sa kaniyang pagsasaka.
Dinadala rin umano niya ang naturang baril sa inuman at may pagkakataon na pinaputok pa umano ito ng suspek.
Nasa kustodiya na ng Quezon Police Station ang pinaghihinalaan nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Simula noong nag-umpisa ang election gun ban ay ito palang ang unang pagkakataon na may naaresto silang indibidwal na nag-iingat ng baril sa Quezon, Isabela.