CAUAYAN CITY – Mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Forestry Reform Code ang nadakip ng Ambaguio Police Station na isang magasasaka na nagpuslit ng mga iligal na pinutol na kahoy sa Sitio Naduntog, Barangay Tiblac.
Ang dinakip ay si Rickson Licwasen, tatlumpu’t isang taong gulang, magsasaka at residente ng Bano-oy, Bagulonan Norte, Buguias, Benguet.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Police Regional Office 2, tinatayang nasa pitung daang libong piso ang kabuuang halaga ng nasabat na mga tanguiling kahoy na walang dokumento mula sa pinaghihinalaan .
Nag-ugat ang nasabing operasyon makaraang iparating sa Ambaguio Police Station ang pagbiyahe ng mga naturang kahoy na isinakay sa isang Isuzu Elf Truck na minamaneho ng pinaghihinalaan.
Apatnaput siyam na piraso na may sukat na 321.3 Board Feet ang nasamsam na mga pinutol na kahoy.
Nasamsam ng Ambaguio Police Station katuwang ang mga kasapi ng 4th Maneuver Platoon at 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company ang naturang mga kahoy matapos walang maipakitang dokumento ang pinaghihinalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag PStaff Sgt. Jefrey Tomines ng Ambaguio Police Station na iginigiit umano ng pinaghihinalaan na hindi nito alam na iligal ang pagbibiyahe nito ng mga kahoy at idinahilan nito na gagamitin ang mga kahoy sa pagpapatayo ng kanilang bahay at pangalawang beses na niyang nagbiyahe ng mga pinutol na kahoy.
Karaniwan aniyang natatagpuan ang mga Tanguile sa mga Boundary Ambaguio pangunahin na sa mga bundok na inaakyat pa ng ilang tao na galing sa labas ng lalawigan.
Nasa pangangalagala na ng Ambaguio Police Station ang pinaghihinalaan at nakatakdang sampahan ng kaso.











