CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang magsasaka matapos masamsaman ng baril at bala sa Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya.
Ang pinaghihinalaan ay si Allan Jay-ar Estimada, magsasaka at residente ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nakatanggap ng ulat ang Diadi Police Station na may apat na lalaki na may dala-dalang mga baril na nakasakay sa kulong-kolong na nag-iikot sa Dacayo Pasture sa Sitio Ambusayo, Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya at pinaniniwalaang magnanakaw ng baka.
Dahil dito ay nagsagawa ng anti-cattle rustling operation ang mga awtoridad.
May isang kolong-kolong na nag-maniobra matapos makita ang checkpoint ng mga pulis at nang aalis na sana sa lugar ay agad naman siyang na-corner ng mga awtoriadad.
Nakuha sa kaniyang pag-iingat ang dalawang improvised shotguns, tatlong bala ng 12 gauge shotgun, nylon rope, dalawang bolo at apat na sako.
Ang pinaghihinalaan ay nasa kustodiya na ng Diadi Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya kung nasaan ang tatlo pa nitong kasama at kung saan nito gagamitin ang mga nasamsam na baril.