CAUAYAN CITY – Patay ang isang 36 anyos na magsasaka matapos pagbabarilin ng kanyang biyenan sa Rizaluna, Cordon, Isabela.
Ang biktima ay si Dominador Tabangin habang ang suspek ay si Manolito Ritotal, 65 anyos, negosyante at kapwa residente ng nasabing barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSg Reymond Aquino, investigator ng Cordon Police Station, sinabi niya nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magbiyenan sa harapan ng bahay ni Tabangin na humantong sa pamamaril.
Lumabas sa imbestigasyon ng Cordon Police Station na may nauna nang hidwaan ang magbiyenan hinggil sa pagpapadala ng pera ng misis ni Tabangin na isang Overseas Filipino Worker (Ofw).
Nagtamo si Tabangin ng tama ng bala sa kanyang dibdib na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Nakuha sa crime scene ang 3 basyo ng Caliber 38 at isang unit ng Colt Special Caliber 38 na hinihinalang pag-aari ni Ritotal.
Naaresto si Ritotal at sasampahan ng kasong homicide ng Cordon Police Station at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act .












