CAUAYAN CITY – Pinatotohanan ni P/Sr. Insp. Mariano Manalo ang hepe ng Sto. Tomas Police Station na walang kinalaman sa ilegal na droga ang pagbaril at pagpatay sa isang magsasaka sa Barangay Cansan kung saan nadamay ang dalawang lalaki na nagmamaneho ng tricycle.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Sr. Insp. Manalo na personal at posibleng may kinalaman sa alitan sa lupa ang motibo sa pagbaril at pagpatay kay Martin Limbawan Jr. na residente ng Sto. Tomas Isabela.
Nakasakay umano si Limbawan sa isang tricycle subalit nang barilin ng riding in tandem suspect ay nadamay ang tsuper ng tricycle nito na si Loreto Masiddu na agad namang inilipat sa Cagayan Valley Medical Center sa lungsod ng Tuguegarao matapos unang isugod sa isang pagamutan sa bayan ng Delfin Albano.
Hinabol aniya si Limbawan matapos makatakbo at binaril ng mga pinaghihinalaan.
Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang mga empty shell ng 9mm na baril.
Maliban dito isa pang lalaki na nakilalang si Benjie Angoluan na taga-Cansan, Sto. Tomas, Isabela ang tinamaan ng ligaw na bala na isinugod naman sa Southern Isabela General Hospital sa Lunsod ng Santiago.
Sinabi ni Sr. Insp. Manalo na nasa state of shock pa ang pamilya ni Limbawan kaya hindi pa nakapagbigay ng pahayag sa mga tagasiyasat ng pulisya.




