CAUAYAN CITY – Sasampahan ng patung-patong na kaso ang isang magsasaka sa Santa Fe, Nueva Vizcaya matapos na halayin umano ang limang menor de edad at pagbantang papatayin ang ina ng isa sa mga biktima.
Ang pinaghihinalaan ay si Ben, 55 anyos, magsasaka at residente ng isang barangay sa Santa Fe, Nueva Vizcaya.
Ang mga biktima ay edad 8 anyos, 10 anyos, dalawa ang 6 anyos at dalawa ang 7 anyos habang ang ginang na pinagbantaang papatayin ay ina ng isa sa mga bata at itinago sa Pangalang Edith.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Sta. Fe Police Station, nagreklamo ang ginang dahil sa pagbabanta ng suspek na siya ay papatayin.
Batay sa salaysay ng Ginang, nang mapag-alaman ang kahalayang ginawa ng suspek sa kanyang anak ay kinompronta niya ito subalit pinagbantaan siyang papatayin at kanyang pamilya.
Tumawag ng mga awtoridad ang ginang para isumbong ang pangyayari gayundin ang pagdadala ni Ben ng baril.
Nadakip naman ang pinaghihinalaan sa kanyang tinutuluyan.
Nakuha sa kanya ang isang Caliber 22 riffle, isang Caliber 5.56 pistol at 7 na bala ng Caliber 22.
Habang nagsasagawa ng imbentaryo ang mga pulis ay lumapit ang ilan pang menor de edad at isinumbong ang pagsasamantala rin sa kanila ng suspek.
Ayon sa kanila, inimbitahan ng suspek ang dalawa sa mga biktima sa kanyang bahay upang magmeryenda ngunit nang nasa loob na sila ng bahay ng suspek ay iginapos sila at hinalay.
Dinala ang magsasaka sa Sta. Fe Police Station at kakasuhan ng multiple rape, grave threat at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.






