CAUAYAN CITY- Nahaharap sa kasong unjust vexation ang isang magsasaka na nanghipo sa maselang bahagi katawan ng isang babae sa Aglipay, Quirino.
Ang suspek ay si Rasam Igadna, 24 anyos, may asawa at residente ng naturang bayan habang ang biktima ay 33 anyos, may-asawa at residente rin ng nasabing lugar.
Sa pagsisiyasat ng Aglipay Police Station sa pangunguna ni SPO1 James Pascual, bibili lamang umano ang biktima ng meryenda kasama ang kanyang kaibigan sa isang restaurant kung saan kasalukuyang umiinom ng nakakalasing na inumin ang suspek.
Habang bumibili ang biktima ay lumapit umano si Igadna at hinawakan nito ang maselang bahagi ng katawan ng ginang.
Nagpumiglas umano ang biktima at kaagad na nagsumbong sa himpilan ng pulisya.
Agad namang tumugon ang mga kasapi ng Aglipay Police Station at nakitang papaalis ang suspek sakay ng motorsiklo na agad dinakip ng mga pulis
Dinala sa Aglipay Police Station si Igadna at todo ang hingi ng tawad sa biktima.
Inihahanda ng pulisya ang mga kaukulang dokomento para sa pagsasampa ng kaso laban kay Igadna.




