CAUAYAN CITY – Kritikal ang isang magsasaka matapos siyang pagtatagain ng kanyang pamangkin sa Cabuaan, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay si Juan Yuhmo, 78-anyos, magsasaka habang ang pinaghihinalaan ay ang kanyang pamangkin na si Maria Ochok, 49-anyos, may asawa, magsasaka at kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bayombong Police Station, naglilinis ang pinaghihinalaan sa kanyang garden nang dumating ang biktima na may dalang kahoy at pinagpapalo ang suspek.
Gumanti naman ang pinaghihinalaan at pinagtataga sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima.
Nakita sila ng kanilang kapitbahay at inawat ang suspek.
Agad namang dinala sa pagamutan ang biktima at patuloy pa ring inoobserbahan habang ang pinaghihinalaan ay nasa pag-iingat na ng pulisya at mahaharap sa kasong attempted homicide.
Ayon sa PNP Bayombong, matagal nang may alitan ang suspek at biktima dahil sa lupa.