CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kaso ang isang magsasaka na tumaga at pumatay sa kanyang kapwa magsasaka sa Limbauan, San Pablo, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt. Sany Malayao, imbestigador ng San Pablo Police Station sinabi niya na nang makatanggap sila ng tawag mula sa Punong barangay ng Limbauan upang ipaalam ang insidente ng pananaga na naganap sa kanilang lugar ay agad silang tumugon.
Pagdating ng mga kasapi ng San Pablo Police Station sa lugar ay nadatnan nilang wala ng buhay ang biktimang si Abraham Cablinan Jr., 35-anyos, isang magsasaka.
Nagtamo ng taga sa kanyang ulo, braso, at iba pang bahagi ng kanyang katawan ang biktima.
Mabilis na itinakbo ng pulisya at ng MDRRMO si Cablinan sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Ang pinaghihinalaan ay si Jonathan Nah-hog, 34-anyos, isa ring magsasaka.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nag-ugat ang alitan ng dalawa matapos na paratangan ng pinaghihinalaan na hinalikan ng biktima ang 12-anyos nitong anak.
Bago naganap ang pananaga ng pinaghihinalan sa biktima ay nagtungo umano si Nah-hog sa mismong bahay ni Cablinan.
Nagbanta umano ang suspek na kung hindi lalabas ang biktima sa kanilang bahay ay susunugin niya ang nakaparada nitong motorsiklo.
Mas lalo pa umanong nagbanta ang suspek at sinabihan ang asawa ng biktima na lumabas siya sa kanilang bahay upang hindi madamay kung susunugin niya ang tahanan ng mag-asawa.
Nang hindi sumunod ang mag-asawa ay sinilaban ni Nah-hog ang motorsiklo ni Cablinan saka umalis.
Kinabukasan ay pumunta si Cablinan sa kanilang Barangay Hall upang ireport ang panununog at pagbabanta na ginawa ni Nah-hog subalit nagpang-abot ang dalawa.
Nagkasagutan umano sila at nang biglang hugutin ng suspek ang itak na nasa kanyang bewang ay tumakbo ang biktima subalit agad nahabol siya ng pinaghihinalaan at pinagtataga.
Agad namang naaresto si Nah-hog.
Ngayong araw ay nakatakdang isampa ang kasong murder laban sa pinaghihinalaan.