CAUAYAN CITY – Sugatan ang dalawang pasahero makaraang mag-amok at managa ang isang magsasakang sa loob ng pampasaherong bus habang bumibiyahe sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ang mga biktimang pasahero ay sina Nathaniel Butial, nasa tamang edad residente ng Reina Mercedes, Isabela at Elvis Saturno, nasa tamang edad at residente ng Santa Teresita, Cagayan.
Ang suspek ay si Roger Gayola, 39 anyos, magsasaka at residente ng San Juan, Boguey, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Insp. Jonathan Ilay, hepe ng Bayombong Police Station na habang bumibiyahe ang Florida bus galing sa kalakhang maynila patungong lalawigan ng Cagayan ay napansin umano ng mga pasahero na nagsasalitang mag-isa ang suspek.
Bigla na lamang naglabas ng itak mula sa kanyang bag ang suspek at tinaga ang mga biktima.
Sinabi pa ni Chief Inspectpor Ilay na si Saturno ay nagtamo ng taga sa kanyang kanang tenga at ulo habang si Butial ay nataga sa tagiliran at kaliwang binti na kaagad dinala sa pagamutan.
Tumulong ang ibang mga pasahero upang mapigilan ang pananaga at pag-aamok na pasahero at dinala sa sa Bayombong Police Station.
Inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban kay Gayola.




