CAUAYAN CITY – Arestado ang isang magsasaka na nahaharap sa tatlong bilang ng panggagahasa at number 2 most wanted person municipal level sa Nantawakan, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Ang akusado ay si Dizon Dingcog, 30-anyos, binata, magsasaka at residente ng nasabing lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Melisa Gulan, Chief of Police ng Kasibu Police Station, sinabi niya na dinakip si Dingcog sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Hukom Paul Attolba Jr., Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 30, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Aniya, nag-ugat ang nasabing kaso nang gahasain ng akusado ang isang walong taong gulang na biktima na kapitbahay nito noong August, 2019.
Batay sa pagsisiyasat ng Kasibu Police Station, nasa unang baitang sa Elementarya ang biktima ng maganap ang unang panghahalay na nasundan pa noong August 10 at 12.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na sila sa pamilya ng biktima upang malaman ang disisyon nila sa nasabing kaso.
Sa ngayon ay nakatakda ng ipasakamay sa korte ang akusado upang harapin ang naisampang kaso laban sa kaniya.











