Arestado ang isang lalaki matapos masamsaman ng hindi lisensyadong baril sa Barangay Centro 2, Mallig, Isabela.
Habang nagsasagawa ng anti-criminality checkpoint ang mga kapulisan ng Mallig Police Station sa national highway na nasasakupan ng naturang lugar ay pinara ng mga ito ang isang itim na Mitsubisi Estrada na kinalululanan ng suspek na itinago sa alias na “Bong,” 49-anyos, magsasaka at residente ng Butigue, Paracelis, Mountain Province.
Nagtangka pa umanong umiwas ang suspek matapos nitong mapansin ang checkpoint subalit agad itong napahinto ng mga awtoridad at inatasang iparada ang sasakyan sa gilid ng kalsada.
Sa isinagawang plain view inspection ay napansin ng checkpoint personnel ang isang baril na Colt AR-15 Cal. 9mm, na nakapwesto sa gawing kanan ng driver at kaliwa ng pasahero na kinilalang anak ng nito.
Bigo namang makapagpakita ng kaukulang dokumento ng baril ang driver dahilan upang siya ay arestuhin sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Mayroong laman na limang bala ng live ammunition ang magazine ng nakumpiskang baril.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan at legalidad ng nasabing armas, gayundin ang posibleng iba pang pananagutan ng suspek.





