CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isang magsasaka matapos na makumpiska ang maraming bala at ilang baril sa pagsisilbi ng Search Warrant sa kanilang bahay sa barangay Maligaya.
Ang inaresto ay si Sotero Sumalbag Jr., 69 anyos, may asawa, magsasaka at residente ng naturang lugar.
Isinilbi ng pinagsanib ng puwersa ng Mallig Police Station sa pangunguna nina PMaj. Clarence Labasan at PMaj. Eugenio Mallillin ng Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at 1st Isabela Provincial Mobile Force Company ang search warrant na inilabas ni Judge Randy Bulwayan, acting Presiding judge ng RTC Branch 23, Roxas, Isabela.
Natagpuan sa bahay ni Sumalbag ang anim na bala ng 12-guage shotgun, isang basyo ng 12-guage shotgun, dalawang bala ng Caliber 5.56, isang sirang Caliber 38, isa pang Caliber 38, isang Carbine, 15 bala ng Carbine, isang bala ng Caliber 9mm, tatlong bala ng Caliber 38, isang ammunition box, isang basyo ng carbine at isang hinihinalang pinatuyong dahon ng Marijuana.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Clarence Labasan, hepe ng Mallig Police Station, sinabi niya na sangkot ang suspek sa iba’t ibang uri ng nakawan sa bayan ng Mallig.
Bukod dito ay miyembro rin siya umano ng grupo ng mga nanloloob sa nabanggit na bayan.






