CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang magsasaka matapos siyang batuhin sa ulo ng kanyang nakaalitan sa Ueg, San Mariano, Isabela.
Ang biktima ay si Mario Ignacio, 41-anyos habang ang pinaghihinalaan ay si Arjay Cauan, 22-anyos at kapwa residente ng naturang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Julius Telan, Deputy chief of police ng San Mariano Police Station, sinabi niya na nag-iinuman ang suspek at kasamahan nito sa bahay ng biktima nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Umaawat lamang aniya ang biktima sa suspek nang bigla siyang batuhin sa ulo.
Dahil sa lakas ng pagkakabato ay nagkaroon ng malubhang sugat sa ulo ang biktima habang may ilang galos din sa katawan ang suspek.
Dinala pa ang biktima at suspek sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival si Ignacio.