Patuloy na nagpapagaling sa pagamutan ang isang magsasaka matapos mahulog ang motorsiklo sa nasirang bahagi ng main canal ng NIA MARIIS sa pagitan ng Alinam, Cauayan City at Del Pilar, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Quejaro, ang kapatid ng biktimang si Rizalito Quejaro ng Del Pilar, Alicia, naghatid lang ng kanyang asawa ang biktima at magtutungo sana sa kanyang palayan nang mapadaan ito sa kalsada sa tabi ng irrigasyon.
Dahil sa may kadiliman pa kaninang umaga kung kayat hindi nito napansin na gumuho na pala ang ilang bahagi ng irrigation canal.
Dahil dito ay nahulog ang biktima na sakay ng kanyang motorsiklo na TMX 155. Ayon kay Ginoong Ariel, masuwerte nalang at hindi tumama sa semento at hindi nawalan ng malay ang kanyang kapatid.
Bagamat tinangay ng malakas na agos ang biktima ay nagawa pa rin naman nitong makalangoy at makaahon. Gayunman, ay hindi na nito naisalba ang kanyang motorsiklo.
Agad naman siyang dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas.