CAUAYAN CITY- Natagpuang wala ng buhay ang isang magsasaka sa bukid na bahagi ng Brgy. Gaddanan, San Mateo, Isabela.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kinilala ang biktima na si Johnny Fernandez, 45-anyos at residente ng parehong nabanggit na barangay.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng San Mateo Police Station mismong ang kapatid ng biktima ang nakakita sa wala ng buhay nito sa water canal o daanan ng tubig sa bukid.
Lumalabas sa imbestigasyon na bago magpunta sa bukid para maglinis ang biktima ay nagpunta muna umano ito sa inuman.
Nagawa pa naman maisugod sa ospital ang biktima at batay sa pagsisiyasat ng doktor ay drowning o pagkalunod ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Hindi naman kumbinsido ang pamilya ng biktima kayat nakatakdang sumailalim ang katawan nito sa otopsiya para malaman ang tunay na sanhi ng kanyang pagkasawi.