
CAUAYAN CITY – Nagluluksa ang pamilya ng isang magsasaka na nasawi matapos makuryente sa ginamit na aparato sa paghuli ng mga isda.
Ang biktima ay si Orlando Omnes, 47 anyos, magsasaka at residente ng San Francisco, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Renato Leano, bayaw ng biktima at residente ng Minante I, Cauayan City, sinabi niya na hindi sumama ang biktima sa kanyang misis matapos yayain na mamasyal sa kanilang bahay.
Pagdating ng ginang kinagabihan sa kanilang bahay ay hindi pa nakauwi si Orlando kaya siya ay hinanap kasama ang isa nilang anak.
Natagpuan nila ang nakadapa at wala nang buhay na katawan ni Omnes sa lugar kung saan siya nanguryente ng mga isda.
May sunog sa kanyang kamay at dibdib at hinihinalang nakuryente sa ginamit nito na aparato na nabili niya online.
Ayon kay Ginoong Leano, maaring hindi napatay ni Omnes ang aparato nang kunin nito ang isda sa rod na naging dahilan ng kanyang pagkakuryente.
Aniya ibang-iba ang aparato na nabibili online sa karaniwang ginagamit ng mga magsasaka dahil hindi ito napapatay kapag hindi na pinipihit ang switch nito.




